14 patay sa nangyaring pag-atake sa Mexican prison
Inatake ng armadong mga lalaki ang isang piitan sa northern Mexican city ng Ciudad Juarez, na ikinasawi ng 14 katao at naging daan para makatakas ang 24 na bilanggo.
Sinabi ng Chihuahua state prosecutors office, na kabilang sa mga nasawi ang sampung guwardiya ng kulungan at security agents makaraang atakihin ng hindi pa mabatid na bilang ng armadong mga lalaki na lulan ng armored vehicles ang piitan.
Humigit-kumulang limang oras pagkatapos magsimula ang paglusob ng madaling araw, nakontrol ng security forces ang sitwasyon, na naging sanhi rin ng pagsiklab ng gulo sa pagitan ng mga preso sa loob ng malawak na bilangguan ng estado, na malapit sa hangganan ng Mexico sa Estados Unidos.
Ilang sandali bago ang pag-atake, pinaputukan ng mga armadong lalaki ang municipal police sa kalapit na boulevard, na nagbunsod sa habulan ng kotse na nauwi sa pang-aagaw ng isang sasakyan at sa apat na lalaki.
Nang lumaon, pinaputukan din ng mga salarin na nasa Hummer ang isa pang grupo ng security agents sa labas ng bilangguan.
Naganap ang kaguluhan habang naghihintay ang mga kamag-anak ng ilang bilanggo, para sa New Year’s visit sa labas ng compound.
Sa loob naman ay sinunog ng ilang nagkakagulong mga preso ang iba’t ibang bagay, at nakipagsagupaan sa mga guwardiya ng kulungan.
Sinabi ng prosecutors, na ang pagsiklab ng karahasan sa piitan, kung saan ang mga bilanggo mula sa magkakaibang grupo ng mga kriminal at mga kartel ng droga ay nasa magkakahiwalay na mga bloke ng selda, ay nag-iwan din ng 13 kataong sugatan.
Ayon pa sa prosecutors, apat katao ang idinitini pero hindi nilinaw kung ang mga ito ay mga bilanggo o ang mga umatake.
Wala pa ring detalye tungkol sa kung paanong nakatakas ang 24 na preso, at kung sinu-sino ang mga ito.
Ayon sa prosecutors sa lungsod, na nasa kabila ng hangganan mula sa El Paso, Texas, sinisiyasat na nila ang motibo ng pag-atake.
Ilang taon nang nakararanas ng mararahas na sagupaan ang Ciudad Juarez, sa pagitan ng security forces at magkaribal na drug cartels ng Sinaloa at Juarez, na ikinasawi na ng libu-libong katao sa nakalipas na dekada.
Sa nabanggit na bilangguan mismo ay nagkaroon na ng maraming insidente ng mga labanan at riots, kabilang na ang madugong March 2009 episode na ikinasawi ng 20 katao.
Noong August 2022, ang nangyaring labanan sa pagitan ng magkatunggaling gangs ay ikinasawi ng tatlong bilanggo.
Ayon sa isang February 2022 report ng State Human Rights Commission, higit sa 3,700 katao ang nakakulong sa nasabing piitan, lampas sa maximum capacity nito na 3,135.
Ang Mexican detention centers, partikular yaong pinatatakbo ng estado, ay dumaranas ng labis na pagsisikip at karahasan na lumala pa nitong nagdaang taon dahil sa salungatan sa pagitan ng mga grupong kriminal.
© Agence France-Presse