14 stalls at establisyemento, ipinasara sa La Trinidad, Benguet
Photo: Office of the Mayor, La Trinidad, Benguet
( La Trinidad, Benguet ) Ipinasara ng pamahalaang lokal ng La Trinidad, Benguet ang labing-apat na stalls at establisyemento sa naturang bayan. Ito ay matapos madiskubreng patuloy ang operasyon ng mga ito kahit walang kaukulang business permit.
Ayon sa Local Government Unit ( LGU ) officials, bukod sa walang maipakita na ganitong business requirement ay bigo ring maipatupad ang health and safety protocols sa mga tauhan ng mga ito maging sa kanilang mga kustomer o mamimili.
Sinabi ng mga opisyal na nagbigay sila ng sapat na panahon at palugit upang makakuha at maisaayos ang mga kinakailangang requirement o dokumento maging ang iba pang mga hakbang para makatugon sa ipinatutupad na guidelines sa gitna ng COVID-19 pandemic pero tila ipinag-kibit balikat lamang anila ng mga ito.
Kulang din anila ang kooperasyon ng mga may-ari na umano’y di alintana ang banta sa kalusugan ng mga mamamayan ang nasabing virus kaya naipag-wawalang bahala ang panawagan ng pamahalaan na sumunod sa umiiral na patakaran upang huwag kumalat ang sakit.
Dahil dito ay hindi na nangimi ang mga awtoridad na ipatupad ang closure order katuwang ang La Trinidad closure team at mga kagawad ng pulisya upang maseguro na mapanatili pa rin ang peace and order sa panahon ng implementasyon ng closure order sa nasabing mga stall at establisyemento.
Freddie Rulloda