140 public school teachers sa Marawi City, unaccounted pa rin
Nananatili pa ring unaccounted ang 140 public school teachers sa Marawi City mula nang pumutok ang bakbakan ng pwersa ng gobyerno at Maute group.
Ayon kay Assistant School Division Superintendent Ana Zenaida Unte, sa mahigit isang libong guro sa Lungsod, hindi bababa sa 90% ang accounted for.
Sinabi ni Unte na hinahanap pa ang 140 guro na pinaniniwalaang lumikas sa labas ng mga lalawigan ng Lanao.
Aniya, hindi pa nakakapag-ulat ang mga ito mula noong May 23 kung kailan nagsimula ang kaguluhan.
Gayunman, nilinaw ni Unte na walang naipit sa war zone sa naturang bilang.
Dagdag niya, ilan sa mga hinahanap na guro ay napaulat na lumikas sa Davao City.
Ayon kay Unte, walang nawawalang guro batay sa mga ulat na natatanggap nila.