141 inmates sa Manila City Jail, lumaya
Isang araw matapos ang National Jail Decongestion Summit, pinalaya noong Biyernes, December 8 ang 141 persons deprived of liberty (PDLs) sa Manila City Jail Male Dorm.
Mula sa nasabing bilang, 139 ay lumaya dahil sa good conduct time allowance (GCTA) habang ang dalawa ay natapos ang sentensya.
Sinabi ni Manila City Jail Warden Superintendent Lino Soriano na ito na ang pinakamaraming napalayang bilanggo sa male dormitory sa loob ng isang araw.
“Agad po nating pina-review lahat ng kaso nila. Marami po tayong nakitang PDL, mga records nila na maaari nang palayain dahil sufficient na po nareceived GCTA at served sentence na po sila,” saad ni Soriano
Inaasahan aniyang kada buwan ay magkakaroon sila ng maramihang pagpapalaya ng inmates sa city jail na natapos na ang sentensya dahil tuluy-tuloy ang review ng mga rekord ng mga ito.
Hinimok ng mga opisyal ng piitan ang mga bagong layang inmates na ituloy ang pagbabagong -buhay.
Mayorya sa mga PDL na lumaya ay nakulong dahil sa kasong iligal na droga kaya sila ay sasailam sa drug rehabilitation program.
Hindi naiwasang mapaiyak ng mga lumayang PDLs at kanilang pamilya dahil sa tuwa na magkakasama na muli ang mga ito.
Nangako naman ang mga bagong layang inmates na magbabagong buhay na sila at magtatrabaho muli.
Sa ngayon ay umaabot sa halos 4,000 ang inmate population sa Manila City Jail.
Moira Encina