150 pesos na kada kilo ng sibuyas muling mabibili sa Kadiwa store ng Department of Agriculture
Nakahanda ang Department of Agriculture sa pagdagsa ng mga mamimili ng mas murang sibuyas.
Ito ay kasunod ng pagbalik ng mas murang presyo ng sibuyas na aabot sa 150 pesos kada kilo.
Sinabi ni Agriculture Deputy Spokesman Assistant Secretary Rex Estoperez , isa sa posibleng gawin ng ahensiya ay ipakalat ang mga sibuyas sa iba pang lugar upang hindi dumugin ang bentahan ng murang sibuyas sa Kadiwa center sa main office ng DA sa Quezon city.
Ayon kay Estoperez direkta ng nagbabagsak ang mga magsasaka ng suplay ng sibuyas sa Kadiwa market.
Gayunman wala pang maibigay na impormasyon ang DA kung magtutuloy tuloy na ang bentahan ng murang sibuyas.
Kaugnay nito inihayag ni Estoperez na 5 thousand metric tons lamang ng imported na sibuyas ang papasok sa bansa hanggang January 27 mula sa orihinal na 21 thousand metric tons na inaprubahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Niliwanag ni Estoperez na 142 lamang na importers ang nabigyan ng sanitary and phytosanitary import clearance at ang volume na aangkatin ay nasa 4,525 metric tons ng pulang sibuyas at 1,250 metric tons ng dilaw o puting sibuyas.
Iginiit ni Estoperez na hindi muna muling aangkat ng sibuyas ang pamahalaan sa pagpasok ng harvest season sa buwan ng pebrero upang protektahan ang kapakanan ng mga lokal na magsasaka.
Vic Somintac