15,000 pulis, itatalaga para sa huling SONA ni Pangulong Duterte sa July 26
Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) ang seguridad para sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa July 26.
Dahil dito, sinabi ni PNP Chief, Police General Guillermo Eleazar na nasa 15,000 pulis ang itatalaga para sa nasabing okasyon.
Sabi ni Eleazar, naging tahimik at maayos ang mga nakalipas na SONA ng Pangulo, zero casualty at zero incident dahil maayos ang naging pag-uusap nila sa mga grupong nagsagawa ng kilos protesta.
Si Eleazar ang nagsilbing commander of the Joint Task Force COVID Shield noong nakalipas na SONA ni Pangulong Duterte.
Sa pangunguna aniya ni National Capital Region Police (NCRPO) Chief Maj. Gen. Vicente Danao, inihahanda na ang Batasang Pambansa sa Quezon City kung saan gaganapin ang SONA.
Hinikayat ng PNP ang grupo ng mga protesters na magsagawa na lamang ng online activities dahil sa kinakaharap na Pandemya ng Covid-19 upang maprotektahan ang kanilang kalusugan.
“We encourage these groups planning to conduct mass actions to coordinate their activities with the PNP. Pero mas makabubuti sana kung gawin na lamang nilang virtual ang kanilang mga activities para na din sa kaligtasan ng lahat mula sa COVID-19 lalo na’t nakapasok na sa ating bansa ang mas nakahahawang Delta variant“.
Nauna nang sinabi ng House of Representatives na nasa 150 hanggang 200 katao lamang ang papayagan nilang dumalo ng personal sa SONA ngunit kailangang sumailalim ang mga ito sa Covid-19 testing.
Tinatalakay pa ang planong irequire din ang fully vaccinated individual na makadalo ng okasyon.
Tiniyak din ng PNP Chief na wala silang namomonitor na banta sa seguridad sa gaganaping SONA ng Pangulo ngunit nananatili aniya silang naka-full alert.