16 opisyal at miyembro ng Rural Missionaries of the Philippines, kinasuhan sa korte ng DOJ ng terrorism financing
Nakitaan ng probable cause ng Department of Justice (DOJ) para kasuhan sa korte ang 16 na opisyal at miyembro ng Rural Missionaries of the Philippines kabilang na ang ilang madre ng terrorism financing case.
Kinilala ng DOJ ang mga kinasuhan na sina Emma Teresita Cupin, Susan Dejolde, Ma. Fatima Napoles Somogod, Augustina Juntilla, Mary Jane Caspillo, Melissa Amado Comiso, Czarina Golda Selim Musni, Maridel Solomon Fano, Jhona Ignilan Stokes, Hanelyn Caibigan Cespedes, Angelie Magdua, Emilio Gabales, Mary Louise Dumas, Aileen Manipol Villarosa, Evelyn Lumapas Naguio, at Aldeem Abroguena Yañez.
Ayon sa DOJ, ang Rural Missionaries of the Philippines (RMP)/ RMP-Northern Mindanao Region ay NGO front ng CPP-NPA.
Inirekomendang kasuhan sa korte ang 16 ng paglabag sa Section 8 (ii) ng RA 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 dahil sa pagbibigay ng pondo sa komunistang grupo.
Binigyan nang bigat ng kagawaran ang testimonya ng mga testigo na isang dating CPP-NPA member at isang finance officer ng iba’t ibang CPP-NPA NGO fronts kabilang na ang RMP.
Ayon sa mga testigo, ang mga opisyal ng RMP ay bumubuo ng project proposals na ipiniprisinta sa foreign funders.
Sa oras na maaprubahan ang project proposals ay iwa-wire ng dayuhang funders ang salapi sa bank accounts ng RMP.
Kapag naman natanggap na ng grupo ang pera ay hahatiin nito ang pondo gamit ang 60-40 scheme kung saan 40% ng salapi ay mapupunta sa proposed projects habang 60% ay ibibigay sa CPP-NPA para ipambili ng mga armas, bala at iba pa.
Tinukoy ng DOJ na sina Musni, Fano, Dumas, at Villarosa na kasapi ng CPP-NPA ay ginawang payees sa ilang tseke na inisyu nina Somogod, Musni, at Fano sa ilalim ng BPI account ng RMP.
Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo na inihain ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na nagsagawa ng financial investigation sa NGOs na nagbibigay ng pinansiyal na suporta sa CPP-NPA na designated terrorist organization ng gobyerno ng Pilipinas, U.S. Department of State, at European Union.
Una na ring nag-isyu ng freeze order ang Court of Appeals sa bank accounts ng RMP.
Moira Encina