16 patay kabilang ang 12 pulis sa armed attacks sa Mexico
Hindi bababa sa 16 ang patay kabilang ang 12 pulis, sa nangyaring dalawang armed attacks sa Mexico na nililigalig ng mga karahasang may kaugnayan sa drug trafficking.
Sinabi ni prosecutor Alejandro Hernandez, na sa southern state ng Guerrero, ay tinarget ng hindi pa nakikilalang attackers ang isang security patrol sa municipality ng Coyuca de Benitez.
Ayon sa paunang impormasyon, 11 miyembro ng municipal police force ang namatay. Aniya, ang motibo sa pagpaslang ay iniimbestigahan na.
Isang senior state security official ang bumibiyahe sa isang convoy nang ito ay atakihin ayon sa mga awtoridad, ngunit hindi kinumpirma ang media reports na napatay ito kasama ng kaniyang police bodyguards.
Kalaunan ay nakita ang security forces na nagpapatrulya sa lugar, kung saan ilang wala nang buhay na katawan ng mga tao ang nasa kalsada, habang isang police helicopter ang lumilipad sa himpapawid.
AFP
Ang ikalawang pag-atake, sa katabing western state ng Michoacan, ay nag-iwan ng limang sibilyang patay at dalawa ang sugatan ayon sa mga awtoridad.
Isang grupo ng armadong mga lalaki ang umatake sa kapatid ng alkalde ng bayan ng Tacambaro, ayon sa state prosecutor’s office.
Isang restaurant worker at isang miyembro ng pulisya ang kabilang sa mga nasawi, habang ang kapatid ng alkalde ay nasugatan naman.
Sa isang video na ipinost sa social media, makikita ang armadong mga lalaki na nagpapaputok bago tumakas lulan ng iba’t ibang sasakyan.
Ang Mexico ay nililigalig ng cartel-related bloodshed na ikinamatay na ng higit sa 420,000 katao simula nang i-deploy ng gobyerno ang militar sa kanilang giyera laban sa droga noong 2006.
Mula noon, ang murder rate ng bansa ay nag-triple na sa 25 kada 100,000 inhabitants.
Nakapagtala rin ang Mexico ng mahigit sa 110,000 pagkawala simula noong 1962, na karamihan ay isinisisi sa criminal organizations.
Ang Guerrero at Michoacan ay kabilang sa pinakamararahas na lugar sa bansa, dahil sa mga komprontasyon sa pagitan ng magkakalabang drug traffickers at security forces.
Bagama’t tahanan ito ng sikat na coastal resort ng Acapulco, ang Guerrero ay isa sa pinakamahihirap na estado ng Mexico.
Ang karahasan na ang partikular na target ay mga low-level official, ay malimit na tumitindi sa buong bansa bago ang halalan.
Ang presidential at parliamentary election ay nakatakdang ganapin sa susunod na taon.