16 unibersidad pumayag na maging local testing sites para sa Bar exams sa Nobyembre
Inanunsiyo ni 2020/2021 Bar Exams Committee Chair at Associate Justice Marvic Leonen na 16 na unibersidad na ang pumayag na magsilbing local testing sites para sa bar exams.
Ito ay sa isinagawang contract signing sa pagitan ng Korte Suprema at St. Louis University sa Baguio City na isa sa mga pagdarausan ng localized at digitized bar exams.
Ang 16 iba pang pamantasan na pagsasagawaan ng pagsusulit ay ang: Ateneo de Manila University, Manila Adventist, St. Louis College (La Uñion), St. Mary’s University, Cagayan State University, La Salle Lipa, University of Nueva Caceres, La Salle Bacolod, Central Philippine University (Iloilo), University of Cebu, Mindanao State University- Iligan, Mindanao State University-General Santos City, Ateneo De Davao, Xavier University (Cagayan de Oro), at Ateneo De Zamboanga University.
Bukod sa nasabing 16, may siyam pang unibersidad at kolehiyo na kinakausap pa ang Korte Suprema para maging local testing sites.
Kabilang sa mga ito ang University of San Jose Recoletos at Dr. Vicente Orestes Romualdez Educational Foundation (Tacloban City) na parehong nirerebyu pa ang memorandum of agreement.
Sinabi pa ni Leonen na under negotiation pa upang magsilbing testing centers ang Siliman University, Far Eastern University, New Era University (Quezon City), University of Makati,La Salle Taft, UST, at New Era University (Pampanga).
Dahil dito, posible aniyang magkaroon ng 25 local testing sites para sa bar exams sa Nobyembre.
Ang University of the Philippines naman ang magsisilbing command center kung saan imo-monitor ng mga mahistrado ng Korte Suprema ang nagaganap sa bawat testing areas.
Ayon pa kay Leonen, nakipag-ugnayan na sila sa PNP at makikipag-usap din sila sa LGUs para tumulong sa seguridad at kaayusan sa bawat testing centers.
Magsasanay din aniya ang SC ng libu-libong proctors na idi-deploy sa mga testing venue.
Moira Encina