17 bagong kaso ng Arcturus, naitala sa bansa – DOH
Karagdagang 17 bagong kaso ng Omicron subvariant XBB.1.16 o Arcturus ang naitala ng Pilipinas.
Sinabi ng Department of Health, umakyat na sa 28 ang kabuuang bilang ng kaso ng Arcturus sa bansa.
Sa latest COVID-19 biosurveillance report ng Department of Health (DOH), iniulat na sa bagong kaso ng XBB.1.16, 7 ang naitala sa Western Visayas, 5 sa Davao Region, 2 sa Metro Manila at tig-isa sa mga rehiyon ng Bicol, Central Visayas at MIMAROPA.
Ang XBB.1.16 ay descendent lineage ng XBB, isang recombinant ng dalawang BA.2 descendent lineages.
Una nang iniulat ng DOH na may kakayahan ang strain na ito na malusutan ang immunity at mas nakakahawa kumpara sa iba pang subvariants.
Kinumpirma na rin ng DOH ang local transmission ng Arcturus lalo’t tumataas ang bilang nito nang walang kaugnayan sa international cases o walang naitalang history of exposure.
Samantala, naka-detect din ang DOH ng 228 bagong kaso ng Omicron subvariants.
182 kaso ang naklasipika bilang XBB na kinabibilangan ng 25 XBB.1.5; 101 kaso ng XBB 1.9.1; 17 kaso ng XBB 1.9.2; at 10 kaso ng XBB.2.3.
Nakapagtala rin ang bansa ng 41 kaso ng BA.2.3.20; 1 kaso ng XBC; at 4 na iba pang Omicron sublineages.
Sa kabuuan ay nakapagtala na ang Pilipinas ng 21 kaso ng XBB.2.3.
Inilarawan ng DOH ang XBB.2.3 bilang XBB sublineage na nadagdag sa tala ng variants under monitoring ng World Health Organization (WHO) noong May 17.
Nakatawag-pansin ang nasabing variant dahil sa tumataas na global prevalence nito at nasumpungan sa 53 bansa o hurisdiksyon sa 6 na kontinente, salig sa sequence submissions sa GISAID.
Kabilang sa ulat ang resulta ng pinakahuling sequencing na isinagawa ng University of the Philippines-Philippine Genome Center mula May 15-19.
Weng dela Fuente