17 Bayan sa Quezon province, isinailalim sa GCQ simula ngayong araw
Isinailalim na sa General Community Quarantine (GCQ) ang ilang bayan sa Quezon province dahil sa patuloy na paglobo ng kaso ng Covid-19.
Ito ang napagkasunduan sa isinagawang pagpupulong ng Quezon Inter- Agency Task Force Against Covid-19 na pinangunahan ni Governor Danilo Suarez kasama ang Integrated Provincial Health Office.
Kabilang sa 17 bayan na nasa ilalim ng GCQ ay ang bayan ng San Antonio, Infanta, Macalelon, Candelaria, Gen. Nakar, Tayabas, Dolores, Sariaya, Lucban, Real, Pagbilao, Tiaong, Guinayangan, Polilio, Mauban, Alabat at Gumaca.
Ang pagpapatupad ng GCQ sa mga nabanggit na bayan ay sinimulan ngayong araw, April 7 hanggang April 21, 2021.
Samantala ang mga bayan na hindi nabanggit ay mananatili sa Modified General Community Quarantine.
Sa pinakahuling datos ng Quezon Provincial Government, pumalo na sa 734 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa buong lalawigan.
Allan Llaneta, EBC Correspondent