17 katao patay sa madugo at marahas na mga insidente sa Colombia
Hindi bababa sa 17 katao ang nasawi sa nakalipas na tatlong araw sa Colombia, sanhi ng mararahas na mga insidente.
Sa hilagang lungsod ng Barranquilla, anim katao ang binaril patay ng armadong kalalakihan habang ang mga ito ay nasa loob ng isang bar.
Sinabi ng pulisya, na inatake ng makapangyarihang Gulf Clan drug trafficking gang ang mga miyembro ng karibal na grupong Los Costenos group.
Ayon naman sa mga lokal na awtoridad, isang guro, kaniyang asawa at dalawang anak ang pinatay ng isang grupo na kinabibilangan ng lima katao sa north-central Santander department.
Sinabi ng local mayor na ang mga suspek ay taga Venezuela na gustong magnakaw, at gumamit ng mga patalim para patayin ang mag-anak.
Aniya. kasunod ng pag-atake, isang injured employee ng pinaslang na pamilya ang humingi ng saklolo sa mga kapitbahay, na siya namang pumatay sa limang suspek bilang ganti.
Sa nakalipas namang magdamag mula Linggo hanggang Lunes, isang local indigenous guard sa northeastern Arauca department ang pinatay sa hindi malamang dahilan, at noong Sabado ng gabi ay isang union leader ang binaril patay ng dalawang armadong naka-motorsiklo sa northeastern port city ng Barrancabermeja.
Habang isang babaeng local leader ang sinaksak hanggang sa mamatay sa kaniyang tahanan sa northern Sucre department, Biyernes ng gabi.
Ayon sa Indepaz NGO, dahil sa nabanggit na pagpatay, ang bilang ng mga pinaslang na local at community leaders simula nang lumagda ang estado sa 2016 peace deal sa Marxist Revolutionary Armed Forces of Colombia guerrillas ay umabot na sa 128.
Ang Colombia ay anim na dekada nang dumaranas ng mga karahasan na kinasasangkutan ng leftist guerrillas, drug traffickers, right-wing paramilitaries at state forces.
Una nang nangako si President Gustavo Petro, ang unang left-wing president ng Colombia kasunod ng pagkapanalo niya sa eleksiyon noong Hunyo, na magkakaroon na ng ganap na kapayapaan sa bansa.
Nangako pa si Petro na isa ring dating gerilya, na makikipag-dayalogo sa National Liberation Army (ELN), ang huling rebel group na kinikilala ng bansa at maging sa drug traffickers upang subukang mapigil ang paulit-ulit nang mga karahasan.
© Agence France-Presse