18 pang mangingisda umatras sa Writ of Kalikasan petition laban sa pagkasira ng West Philippine Sea
Nadagdagan pa ang mga mangingisda na umatras sa writ of kalikasan petition laban sa pagkasira ng West Philippine Sea.
Ayon kay IBP National President Domingo Cayosa, nagsumite sila ng compliance sa Korte Suprema.
Binanggit sa compliance na umatras ang karagdagan pang 18 mangingisda bilang mga petitioner.
Una nang iniutos ng Korte Suprema na subukan muli ng IBP na makipag-ugnayan sa kanilang mga kliyente at magsumite ng patunay na may actual knowledge ang dalawampung iba pang mangingisda sa petisyon
Binalikan ng IBP ang mga mangingisda at natunton ang labing walo.
Sinabi ni Cayosa na dalawang mangingisda na lamang ang naiiwan na unaccounted.
Sa naunang mosyon ng IBP noong July 19, nauna na itong umatras sa kaso bilang legal counsel at ang pitong iba pang mangingisdang petitioner.
Sa oral arguments sa petisyon, ibinunyag ng Office of the Solicitor General na walang alam ang ilang mangingisda sa petisyon na inihain ng mga abogado sa IBP.
Una na ring isinumite ng OSG ang salaysay ng 19 na mangingisda na itinatanggi na may kinalaman sila sa petisyon ng IBP.
Ulat ni Moira Encina