19 na dayuhang sangkot sa Drug trafficking at Call center fraud, arestado ng Bureau of Immigration
Timbog ng Bureau of Immigration sa isang operasyon kasama ang Royal Thai Police ang 19 na dayuhang wanted sa Drug trafficking at Call center fraud.
Naaresto sa Posadas Village, Brgy Sucat sa Muntinlupa City ang mga banyaga na pawang mga pugante at at undocumented aliens.
Ayon kay BI Fugitive Search Unit Chief Bobby Raquepo, labing-anim sa mga naaresto ay Thai nationals.
Sinabi naman ni BI spokesperson Dana Krizia Sandoval na tatlo sa naaresto ay Taiwanese kung saan ang ring leader ng mga ito na si alyas Wu Chang Long ay wanted sa kasong drug trafficking.
Batay sa impormasyon na natanggap ng BI sa Royal Thai Police, parte ng malaking sindikato ang mga dayuhan na nag-o-operate ng iligal na call center sa bansa.
Nakakulimbat anila ng milyun-milyong Thai Baht ang mga miyembro ng sindikato sa pamamagitan ng panloloko at pambibiktima sa mga Thai na nasa Pilipinas.
Napawalang -bisa na ng Thai government ang pasaporte ng 16 na Thai.
Pansamantalang nakakulong BI Detention Facility sa Taguig City ang mga banyaga habang hinihintay ang deportation.
Ulat ni Moira Encina