2.5M doses, nabakuna sa unang araw ng ‘Bayanihan, Bakunahan’
Higit 2.5 million doses ng coronavirus vaccine ang naibigay sa unang araw ng “Bayanihan, Bakunahan” national vaccination drive ng gobyerno.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje, chairperson ng National Vaccine Operations Center, ang 2,554,023 doses ng mga bakunang naibigay kahapon ay 2.5 ulit na higit sa average weekly rate ng bansa na 900,000 hanggang isang milyong doses.
Aniya, isa ito sa pinakamataas na bilang ng naitalang doses na naibigay sa loob lang ng isang araw sa buong mundo, sunod sa China na nakapagbigay ng 22 million, 10 milyon ng India, 3.48 million ng US at 2.6 million ng Brazil.
Pinasalamatan ni Cabotaje ang mga katuwang ng gobyerno na lumahok sa pagsisikap ng buong bansa, na maabot ang proteksiyon ng populasyon sa lalong madaling panahon.
Batay sa inisyal na datos, ang Region 4A (Calabarzon) ang may highest throughput na may 366,711, sinundan ng Region III (Central Luzon), 297,316; Region VI (Western Visayas), 192,216); Region VII (Central Visayas), 186,834; at Region V (Bicol), 165,259.
Ranked number 6 naman ang Region I (Ilocos) na may 158,412 ngunit No. 1 ito kung ang pag-uusapan ay target dahil 45,849 lamang ang target nito.
Samantala, sinabi ni Cabotaje na papayagan ang walk-in sa tatlong araw na event.
Aniya . . . “There have been reports that some who walked-in were not given vaccines. May direktiba na tayo na dapat ‘yung walk-in, i-allow na. Wag pa-uuwiin yung mga nakapila na, nang hindi nabakunahan.
Pinuri naman ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año, ang pagsisimula ng vaccination campaign.
Aniya . . . “Maganda ‘yung aming assessment dito kasi talagang dumagsa yung mga tao. Wala naman tayong nakitang mga issues at problem dun sa safety and security. So far, okay naman.”