2 brand ng COVID-19 self-test kits, inaprubahan ng FDA
Aprubado na ng Food and Drug Administration (FDA), na gamitin ng publiko ang dalawang brand ng antigen test kits para malaman kung positibo sila o negatibo sa COVID-19.
Ayon kay Oscar Gutierrez, officer-in-charge ng FDA, ang dalawang brand ay ang Abbott Panbio at Labnovation Technologies.
Sinabi ni Gutierrez na ang dalawang nabanggit ay madaragdagan pa dahil mayroon pang 31 nasa performance validation ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM), at hinihintay na lamang na maaprubahan ang mga ito.
Mahalaga aniya na dumaan ang mga test kit sa performance validation ng RITM, dahil kapag mababa ang sensitivity ay maaari iyong magresulta sa maraming false negative.
Bilang pag-iingat ay nagpaalala si Gutierrez sa publiko na bumili lang ng home test kits na certified ng ahensya na maaari nang bilhin sa mga lisensiyadong botika, at tingnan din ang expiration date at basahing mabuti ang instructions bago gamitin.
Dagdag pa ng opisyal, may temperature requirements din ang ilan sa mga nabanggit na test kits.