2-day number coding scheme sa Metro Manila, ipinaliwanag ng MMDA
Ipinaliwanag ng Metropolitan Manila Development Authority ang magiging proseso sakaling maipatupad ang 2-day number coding scheme sa Metro Manila.
Sakaling maipatupad, ang mga sasakyang may plate number na nagtatapos sa 1, 2, 3, at 4 ay hindi pwedeng bumiyahe kapag Lunes, habang ang mga nagtatapos sa 5, 6, 7, at 8 ay bawal kapag Martes.
Miyerkules naman bawal sa mga lansangan sa Metro Manila ang mga sasakyang nagtatapos sa 9, 0, 1, at 2 at muling hindi magagamit ang mga may plate number na nagtatapos sa 3, 4, 5, at 6 kapag huwebes.
Ang mga may plate number na nagtatapos naman sa 7, 8, 9, at 0 ay hindi muli pwedeng gamitin kapag Biyernes.
Paglilinaw ni MMDA Chairman Danilo Lim, ang mga nabanggit na araw ay pawang rekomendasyon pa lamang at hindi pa ito pinal na ipatutupad.
Wala pa aniyang dahilan para mag-panic ang mga motorista.