2 dayuhan at 3 Pinoy hackers, arestado
Naaresto ng mga kagawad ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isang entrapment operation sa Pampanga, ang 2 Nigerian at 3 Pinoy na umano’y sangkot sa pangha-hack sa isang bangko na nakaapekto sa account ng higit 700 customers.
Ayon kay NBI Officer-in-Charge (OIC) Director Eric Distor, nakilala ang mga naaresto na sina Ifesinachi Fountain Anaekwe alyas Daddy Champ, Chukwuemeka Peter Nwadi na kapwa Nigerian, Jherom Anthony Taupa, Ronelyn Panaligan at Clay Revillosa.
Ang mga suspek ang bumubuo sa tinaguriang Mark Nagoya Heist Group.
Unang nadakip sa ikinasang entrapment operation ng NBI-Cybercrime Division si Anaekwe at Nwadi sa Mabalacat, Pampanga matapos ang ibinigay na impormasyon ng isang asset na naka-transakyon ng grupo.
Ayon sa impormante, sangkot ang grupo sa negosyo na nagbibigay serbisyo sa sinuman na nais mag-encash ng perang nakuha sa ilegal na paraan gamit ang access devices na kayang mang-hack ng bank accounts, crypto wallets at maging ng point-of-sale terminals ng mga lehitimong negosyo.
Nahuli naman si Taupa na itinuturong utak o lider ng grupo, sa hiwalay na entrapment operation sa Floridablanca, Pampanga at sina Revillosa at Panaligan na ang papel naman sa hacking ay bilang web developer at downloader.