2 Korporasyon, sinampahan ng tax evasion sa QC
Sinampahan ng patung-patong na kaso ng tax evasion sa mga korte sa Quezon City ang dalawang korporasyon dahil sa pagbebenta at pagbili ng pekeng resibo.
Ang kaso ay inihain ng Department of Justice (DOJ) at Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Quezon City Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court laban sa Decarich Supertrade Incorporated at Redington Corporation.
Kabilang din sa mga nasampolan ng paglabag sa National Internal Revenue Code ay ang limang opisyal at accountant ng mga korporasyon.
Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., ito ang unang kaso na naihain sa mga korte ng DOJ laban sa ghost receipts seller at buyers at ito ay masusundan pa.
Sa pagtaya ng BIR, umabot sa P25.5 bilyon kita ng gobyerno ang nawala mula 2019 hanggang 2021 dahil sa mga paglabag ng mga akusado.
Samantala, kinumpirma rin ni Lumagui na ipinagharap ng BIR ng reklamo sa DOJ kamakailan ang cosmetic brand na Ever Bilena dahil sa paggamit ng pekeng resibo mula sa Decarich para hindi makapagbayad ng tamang buwis.
Sinabi ng BIR na desidido ito na habulin ang lahat ng tax evaders para na rin sa kapakanan ng mga negosyong nagbabayad ng tamang buwis.
Moira Encina