2 Piloto ng PAF patay sa plane crash sa Pilar, Bataan
Dalawang piloto ng Philippine Air Force ang namatay nang bumagsak ang kanilang sinasakyang eroplano sa isang palayan sa Sitio Gabon Barangay del Rosario, Pilar Bataan dakong alas diyes kwarentay singko ng umaga.
Nakilala ang mga piloto na sina Captain Jhon Paulo O. Aviso at Captain Ian Gerra c. Pasinos ng Philippine Air Force batay sa narekober nilang name plate.
Pinagtulung tulungan ng PDRRMO,MDRRMO at BFP Bataan ang pag-rescue sa dalawang piloto.
Ayon kay Bataan Provincial Director, Colonel Romell Velasco, lulan ng isang Marchetti SF260 na may tail number 29-10 ang dalawang piloto.
Sinabi naman ng mga nakasaksing residente na malapit sa pinagbagsakan ng eroplano na nagulat sila nang makita ang isang eroplano na paikot ikot sa himpapawid at pabulusok itong bumagsak sa gitna ng bukid.
Dinala na ang bangkay ng dalawang piloto sa Martinez funeral homes sa Pilar Bataan.
Wala namang nadamay na sibilyan sa nasabing aksidente.
Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang dahilan ng pagbagsak ng eroplano.
Josie Martinez