3 yrs. old na lalaki, patay, 3 sugatan sa sunog sa Las Piñas City
Isang tatlong taong gulang na batang lalaki ang namatay sa nangyaring sunog sa Lopez Compound, Barangay Daniel Fajardo, Las Piñas City kagabi.
Nakilala ang biktima na si Steven Ethelmo Escueta, habang tatlo naman ang sugatan na sina Shiela Edralin, Stephanie Escueta at ang kapatid ng biktima na si Angel Camile Ethelmo, 1yr old na kasalukuyang nasa pagamutan ng Muntinlupa Hospital na nag-iisang ospital umano na tumanggap sa kanila.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), bandang alas 9:19 ng gabi nang sumiklab ang sunog na nagsimula sa bahay ni Stephanie Escueta at kumalat na ito na umabot sa ikalawang alarma at idineklarang fire out alas 10:37 ng gabi.
Ayon kay Stephanie Escueta, naputulan sila ng kuryente kamakailan dahil hindi nakabayad simula noong pandemic. Aniya, sila ay naka-submeter lamang kaya gumamit na lamang sila ng kandila upang magkaroon sila ng ilaw pero sa kasawiang palad ay hindi nila namalayan na siyang pinagmulan ng sunog sa two storey na bahay.
Labis naman ang pagdadalamhati ngayon ng lola at magulang ng batang nasawi at nakikiusap sa pamunuan ng Muntinlupa Hospital na sana maasikaso ang bata na nagtamo ng sunog sa kanyang binti habang ang iba pang sugatan ay nagtamo ng 2nd degree burn sa kanilang likod.
Humihingi rin ng tulong ang mga nasunugan at kanilang pamilya sapagkat wala silang naisalba kahit Isa sa kanilang mga kagamitan. Tinatayang aabot sa P200,000 ang halaga ng pinsala.
Betheliza Paguntalalan