20% ng populasyon ng PHL, may sigurado nang COVID-19 vaccine ng COVAX

Para sa dalawampung porsiyento na ng populasyon ng bansa ang tatanggaping COVID-19 vaccine ng Pilipinas mula sa Global COVAX facility.

Sa isang statement, sinabi ng Department of Health (DOH) na sa pinakahuling pakikipag usap nila sa covax ay napagkasunduang 20% na ang matatanggap ng Pilipinas.

Pero ayon sa DOH, ang 15% lamang rito ang libreng mabibigay ng Covax.

Ang 5% naman ay kailangang bayaran ng Pilipinas.

Tiniyak naman ng DOH na may nakalaan nang pondo para sa ibabayad sa mga nasabing bakuna at hindi magkakaroon ng delay sa delivery nito.

Mas mababa rin ang halaga ng bakuna sa covax dahil negotiated na ang presyo rito.

Una nang nangako ang covax ng alokasyon ng bakuna para sa 20% ng populasyon ng bansa.

Pero ayon kay Health Usec. Ma. Rosario Vergeire, dahil sa kakapusan ng pondo, nagsabi ang covax na 15 percent na lamang ang kanilang maibibigay.

Ang COVAX facility ay inisyatiba ng World Health Organization (WHO), Coalition for Epidemic Preparedness Innovations, at Gavi Vaccine Alliance.

Layon nitong masiguro na lahat ng bansa ay magkakaroon ng access sa COVID-19 vaccine.

Madz Moratillo

Please follow and like us: