200 pang OFW na minaltrato ng amo na may kinakaharap na kaso nananatili pa rin sa mga temporary shelters sa Saudi Arabia
Umaabot sa mahigit 200 mga Overseas Filipino Workers o OFWs pa ang nasa mga temporary shelters sa Saudi Arabia at nangangailangan ng legal assistance ng gobyerno.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, tulad ng kaso ng Pinay na si Pahima Alagasi, ang naturang mga OFW ay minaltrato rin ng kanilang mga amo.
Pero hindi pa aniya maiproseso ang repatriation sa mga OFW dahil kahit biktima ng pang aabuso, may kinakaharap silang counter charges mula sa kanilang mga employers.
Isa aniya ito sa dahilan kaya isinusulong nila na malagdaan muna ang kasunduan na magbibigay proteksyon sa mga migrant workers bago mag-deploy ng manggagawang Pinoy lalo na sa Middle East.
OWWA Admin Hans Cacdac:
“200 pa ang nasa temporary shelter sa Saudi Arabia. Natagalan kasi nagkaroon ng counter legal system sa Saudi kaya natagalan pero positive pa rin dahil buhay ang mga kababayan natin kaya panawagan namin sa mga OFW, may karapatan sila na dumulog sa gobyerno para sa kanilang karaingan”.
Ulat ni Meanne Corvera