20,000 OFWs na patungo sanang Saudi Arabia, stranded sa Pilipinas
Humigit-kumulang sa 20,000 overseas Filipino workers (OFWs) na may sigurado nang trabaho sa Saudi Arabia ang stranded sa Pilipinas, dahil sa atas ng Department of Labor and Employment (DOLE) na suspendihin ang deployment doon hanggang sa mabayaran ng higanteng Saudi construction firms ang hindi naibigay na pasahod ng may 11,000 Filipino workers.
Ito ang ibinunyag ng recruitment consultant at migration expert na si Manny Geslani, kasunod ng mga pag-aangkin ng Philippine Overseas Employment Agency (POEA), na tumataas ang deployment ng OFWs ngayong 2022.
Sinabi ni Geslani na ang deployment sa abroad ay hindi aabot sa inaasahang 1.8-million mark ngayong taon, at maaaring mas numaba pa kaysa 1.4 million deployment noong 2021, kung patuloy na iisnabin ng DOLE ang Saudi labor market.
Simula nang ipatupad ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang temporary deployment ban noong Marso ng nakalipas na taon, 10,000 household service workers at 10,000 construction at skilled workers mula sa Pilipinas ang hindi na pinayagang magtrabaho sa Saudi Arabia.
Ang ban ay ipinatupad ni Bello para i-demand sa Saudi government na bayaran ang pashod na hindi naibigay ng mga higante nitong construction companies sa 11,000 OFWs simula noong 2015.
Nagreklamo na rin ang mga pribadong recruitment agencies na nagpapadala ng trabahador sa Saudi, na malaki na ang nalugi sa kanila dahil sa matagal nang ban.
Ipinagmalaki ni POEA administrator Bernard Olalia na tumaas ang deployment noong 2021, dahil aniya sa government-to-government agreements sa Saudi Ministry of Health, Germany, South Korea at Israel.
Noong Setyembre, sinabi ni Olalia na 30,000 land-based at 40,000 sea-based OFWs ang umaalis ng bansa buwan-buwan.
Gayunman, sinabi ni Geslani na ang mga prospect ay hindi masyadong maganda ngayong 2022, kung isasaalang-alang na dapat mayroong 300,000 OFWs na naka-deploy sa Saudi Arabia taun-taon, ngunit hindi aniya ito mangyayari hangga’t umiiral ang ban ng DOLE.