2022 Bar Examinees hinimok na ipagpatuloy ang pagsusulit
Huwag mag-quit at sa halip ay tapusin ang bar examinations.
Ito ang payo ni 2022 Bar Examinations Committee Chair at Supreme Court Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa sa bar examinees na nag-iisip na huwag nang tapusin ang nalalabing dalawang bar exam days.
Ayon sa mahistrado, nangangalahati na ang mga ito sa pagsusulit at halos nasa finish line na.
Hinimok ni Caguioa ang examinees na magpatuloy sa laban at tumanggi na sumuko.
Dapat aniyang alalahanin ng bar candidates kung bakit at kung para kanino nila ginagawa ito.
Pinaalalahanan din ng justice ang examinees na patuloy na mag-self -quarantine at sundin ang health protocols para maging malusog at makaiwas pa rin sa COVID-19.
Sa ikalawang araw ng bar examinations ay kabuuang 9,196 bar examinees ang kumuha at nakakumpleto sa mga pagsusulit sa Criminal Law at Commercial Law.
Katumbas ang nasabing bilang ng 91.90% turnout.
Kumaunti ito nang bahagya kumpara sa 9,207 examinees na nakakumpleto sa unang araw ng 2022 Bar Exams.
Sinabi ng SC na generally peaceful and orderly ang day 1 at day 2 ng eksaminasyon na isinagawa noong November 9 at 13.
Ang ikatlong araw ng pagsusulit ay gaganapin sa Miyerkules, November 16 habang ang huling araw sa Linggo, November 20.
Moira Encina