2022 bar examinees, pinaalalahanan ng SC na i-install ang tamang software version para matiyak ang tuloy-tuloy na pagkuha ng pagsusulit
Pinaalalahanan ng Supreme Court (SC) ang mga nakatakdang kumuha ng bar exams ngayong Nobyembre, na tiyaking tama ang i-iinstall nilang software version.
Ang paalala ay ipinalabas ni 2022 Bar Examinations Chair Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, sa Bar Bulletin No. 12 S. 2022 para “matiyak na hindi magagambala ang pagkuha ng pagsusulit.”
Ayon sa bulletin, ang mga sumusunod ang versions ng Examplify na kinakailangan para sa bawat operating system:
Para sa Windows OS – Examplify Version 2.9.6
Para sa Mac OS – Examplify Version 2.9.2
Nakasaad pa sa bulletin, na bago dumating sa kani-kanilang testing venue, dapat ding tiyakin ng bar examinees na ang kanilang SC-provided accounts ay naka-logged in sa Examplify.
Isang download lamang ng bawat file ng pagsusulit ang ilalaan sa bawat examinee.
Sinabi pa sa bulletin na ang mga file ay dapat ding i-download lamang sa laptop na gagamitin sa pagsusulit.
Ayon sa bulletin, “Examinees who fail to download both exam files during the designated download time will be given a download period after the start of each exam. However, the time spent in downloading shall be deducted from the time allotted to answering questions. No extensions shall be given.”
Ang bar exams ay nakatakdang ganapin sa Nobyembre 9, 13, 16, at 20, 2022.
Una na ring sinabi ng SC, na yaong hindi makakukuha ng pagsusulit dahil sa bagyong “Paeng,” ay maaaring mag-apply para ma-refund ang kanilang ibinayad.