2022 Bar Exams isasagawa sa 14 local testing sites sa bansa
Kabuuang 14 na lugar ang pagdarausan ng localized at digitalized bar examinations sa bansa ngayong taon.
Mas kaunti ito kumpara sa 29 local testing sites noong 2020/2021 Bar Exams.
Sa abiso mula sa Office of the Bar Confidant, sinabi na isinasapinal pa ang partikular na testing areas na pagsasagawaan ng bar exams.
Sa Nobyembre plano idaos ang pagsusulit.
Kaugnay nito, binuksan ng Korte Suprema ang aplikasyon para sa magsisilbing local bar personnel.
Partikular sa mga posisyon ng floor supervisors, head proctors, proctors, at runners.
Bukas ito para sa lahat ng empleyado ng hudikatura at mga abogado sa labas ng hudikatura.
Kabilang pa sa mga kuwalipikasyon ay dapat fully-vaccinated laban sa COVID-19 at nakatanggap ng at least na isa na booster shot ang aplikante.
Hindi naman dapat sila nagtuturo sa anumang law schools o review centers at walang kamag-anak hanggang ikaapat na civil degree na kukuha ng bar exams ngayong taon.
Ang OBC ang inatasan ng Supreme Court na pumili, magsanay at mag-deploy ng mga bar personnel.
Itinakda ang deadline ng aplikasyon sa Agosto 22.
Moira Encina