2023 National Budget, target maisalang sa plenaryo sa pagbabalik-sesyon ng Senado sa Nobyembre
Nasa track na ang Senado sa itinakda nilang mga deadline para tapusin ang panukalang 2023 National budget .
Ayon kay Senate President Juan Miguel Zubiri, target ng Senado na isalang ang 5.268 trillion pesos na 2023 budget sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon sa November 7.
Sinabi ni Zubiri na naging maingat ang mga komite sa pagbusisi sa mga programa at naging paggastos ng bawat ahensya maging ang nilalaman ng panukakang budget.
Ito ay para matiyak na ang 4.9 percent na pagtaas sa budget ay makatwiran para sa pagbangon ng Pilipinas mula sa dagok ng COVID-19 pandemic.
Sa Nobyembre dalawang linggo aniyang magsasagawa ng Marathon hearing sa plenary ng Senado at target nilang maipasa ito sa ikatlong linggo ng Nobyembre.
Kung may pagkakaiba raw kasi sa bersyon na inaprubahan ng Senado at Kamara may pagkakataon pa silang magsagawa ng Bicameral Conferenece Committee bago ito ratipikahan at maipadala sa tanggapan at malagdaan ng Pangulo bago matapos ang taon.
Meanne Corvera