2023 Proposed National budget na nagkakahalaga ng 5.268 Trillion pesos, isinumite na ng Malakanyang sa Kongreso
Pormal ng isinumite ng Malakanyang sa pamamagitan ng Department of Budget and Management o DBM sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang 2023 proposed national budget na nagkakakhalaga ng 5.268 trilyong piso.
Ibinigay ni Budget Secretary Amenah Pangandaman ang kopya ng panukalang pambansang pondo kay House Speaker Martin Romualdez kasama sina House Majority Leader Manuel Jose Manix Dalipe, House Minority Leader Marcelino Libanan at House Committee on Appropriations Chairman Congressman Elizaldy Co.
Pinakamalaking bahagi ng pondong ito na katumbas ng 39.31 percent o kabuuang 2.071 trilyong piso ay ilalaan sa Social Services.
Pumangalawa naman ang Economic Services na paglalaanan ng 1.528 trilyong piso.
807.2 bilyong piso ang naka-allocate para sa General Public Services habang kabuuang 611 bilyong piso ng budget ang para sa pambayad utang at ang nalalabing 250.7 bilyong piso ay para sa Department of National Defense.
Nananatili na ang Department of Education o DepEd, Commission on Higher Education o CHED, at State Universities and Colleges o SUCs sa mga ahensya ng pamahalaan na mayroong pinakamataas na pondo na nagkakahalaga ng 852.8 bilyong piso.
Sinundan naman ito ng Department Of Public Works and Highways o DPWH na mayroong 718.4 bilyong pisong budget.
Department of Health o DOH at PHILHEALTH na may 296.3 bilyong piso, Department of Social Welfare and Development o DSWD na may 197 bilyong piso, Department of Agriculture o DA at National Irrigation Administration o NIA 184.1 bilyong piso at Department of Transportation o DOTr ay makakatanggap ng 167.1 bilyong pisong pondo.
Sinabi ni Speaker Romualdez, sa pagbusisi nila sa 5.268 trilyong pisong proposed 2023 national budget ay titiyakin nilang ang bawat sentimo ay mailalaan sa mga programa para sa pagbibigay proteksyon sa buhay at mga komunidad at pagpapasigla sa ekonomiya.
Ayon kay Romualdez sisikapin ng kamara na ang pondo para sa susunod na taon ay tutugon sa pangangailangan ng mamamayan, at sa epekto ng krisis pangkalusugan.
Inihayag ni Romualez kasama sa isasaalalang alang ng kongreso ang layunin na makapagbigay ng trabaho ang 2023 national budget at makatulong sa food security ng bansa.
Tiniyak ni Romualdez agad na sisimulan ng Kamara ang national budget deliberations sa committee level sa August 26 araw ng Biyernes upang makamit ang target na matapos ang pagtalakay at deliberasyon bago mag October 1.
Vic Somintac