21 ang patay, 96 nawawala sa pagtama ng malakas na bagyo sa India
MAHUVA, India (AFP) – Hindi bababa sa 21 katao ang nasawi at 96 naman ang nawawala, matapos manalasa ang malakas na bagyo sa western India na nagpalala pa sa dinaranas na pagdurusa ng milyun-milyong katao dahil sa coronavirus surge.
Daan-daang libo katao ang nawalan ng suplay ng kuryente, matapos bayuhin ng Cyclone Tauktae ang Gujarat coast nitong Lunes.
Ang bagyo ay may taglay na lakas ng hangin na aabot sa 185 kilometers (115 miles) bawat oras, kayat nabunot ang mga puno at bumagsak ang mga linya ng kuryente at mobile phone towers.
Ayon naman sa Indian Navy, lumubog din ang isang support vessel na sumusuporta sa oil rigs na tinamaan ng malalaking alon sa baybayin ng Mumbai, at 96 sa 273 kataong lulan nito ang nawawala.
Ayon sa defence ministry, 177 katao ang nailigtas mula sa vessel, at inaasahan na magpapatuloy na ang operasyon ngayong araw.
Samantala, may isang bagong napaulat na casualty ngayong Martes, kayat ang kumpirmadong bilang na ng mga nasawi ay hindi bababa sa 21, habang patuloy na binabayo ng malakas na hanging taglay ng bagyo ang mga bahay, at ginawang ilog ang mga kalsada.
Bagamat ang Cyclone Tauktae ang isa sa pinakamapaminsalang tumama sa lugar sa nakalipas na mga dekada, ang mas maayos na forecasting kaysa nitong mga nagdaang taon ay naging daan ng mas maigting na paghahanda, at higit 200-libong katao sa danger zones ang nailikas mula sa kanilang tahanan.
Ilang oras namang ipinasara ng Mumbai authorities nitong Lunes ang paliparan, at hinimok ang mga tao na manatili sa loob ng bahay o gusali, habang binabayo ng malalaking alon ang mga baybayin.
Ayon kay Udaya Regmi mula sa International Federation of Red Cross at Red Crescent Societies . . . “This cyclone is a terrible double blow for millions of people in India whose families have been struck down by record COVID infections and deaths.”
Ang bagyo ay inaasahang magdadala ng malalakas na mga pag-ulan hanggang sa Delhi, higit 1,200 kilometro (750 milya) mula sa Gujarat coast at sa Uttarakhand sa Himalayan border ng Tibet.
@ Agence France-Presse