22 Bilyong pisong CCTV projects ng DILG, pinaiimbestigahan na sa Senado
Pinaiimbestigahan na ng mga Senador ang 22 billion CCTV o Safe Philippine project ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon sa DILG, layon ng proyekto na mabawasan ng hanggang 15 percent at maresolba ang mga kaso ng krimen lalo na sa Metro Manila sa tulong ng mga CCTV footages.
Pero sa kaniyang Senate Resolution 990, nais ni Senador Ralph Recto na ipareview at isailalim muna sa masusing ebalwasyon ng gobyerno ang planong paglalagay ng 12,000 CCTV camera sa mga pampublikong lugar na gagawin ng isang Chinese company.
Nangamba si Recto sa posibleng banta sa National Security ng proyekto dahil batay aniya sa mga report ang kumpanya ay idinadawit sa paniniktik at mga hacking activities.
Paalala ng Senador, nakasaad sa Konstitusyon na dapat protektahan ng gobyerno ang anumang posibleng computer generated attacks na maaaring magdulot ng krisis sa ekonomiya, banking at mga financial institutions.
Naghain na rin ng kaparehong resolusyon si De Lima na layong busisiin ang loan agreement sa pagitan ng DILG at China International Telecommunications and Construction Corportion dahil sa posibleng paglabag sa Right to Privacy ng mga Filipino.
Ulat ni Meanne Corvera