24 Guinness World Records, naitala ng Iglesia Ni Cristo simula noong 2012 hanggang 2018
Nasa 24 na ang naitalang Guinness World Records ng Iglesia Ni Cristo mula 2012 hanggang 2018.
Ito ay matapos pormal na ianunsyo kanina ng Guinness World Records Adjudicator na si Paulina Sapinska ang ikaapat na bagong World Guinness Record ng INC na largest charity walk in multiple venues sa nakalipas na isinagawang Worldwide Walk to Fight Poverty ng Iglesia Ni Cristo noong Mayo a-sais sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Nasa 773,136 participants ang opisyal na nabilang ng mga kinatawan ng Guinness.
Una rito, agad na naitala ng INC noong Mayo sais ang tatlong bagong record, ang largest human sentence na may 23,235 participants, largest picture mosaic formed by people kung saan binuo ang INC flag at largest charity walk in a single venue.
Pero bago pa man ang apat na bagong records, nakapagtala na rin ng 20 iba pang mga record title sa Guinness ang Iglesia Ni Cristo.
Paliwanag naman ng Guinness world records adjudicator na medyo naantala ang paggagawad ng nasabing record title sa INC sa dami ng venues mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang sumama sa Worldwide Walk to Fight Poverty ng Iglesia ni Cristo.
Dagdag pa ng adjudicator, may mga guidelines sila na sinusunod sa bawat record title at maraming ebidensya ang kailangan nilang kalapin at beripikahin bago opisyal na i-anunsyo ang desisyon.
Ang Worldwide Walk to Fight Poverty na inilunsad ng Iglesia Ni Cristo sa atas ng Tagapamahalang Pangkalahatan, Kapatid na Eduardo V. Manalo noong Mayo a-sais ng taong kasalukuyan ay layong matulungan ang mga taga-Africa na nagdaranas ng matinding kahirapan.
Ayon kay Kapatid na Glicerio Santos Jr., General Auditor ng Iglesia Ni Cristo patunay lang ng tagumpay na ito ng INC ang patuloy na patnubay ng ating Panginoong Diyos sa kaniyang Iglesia.
Aniya, sa susunod na linggo ay magsasagawa ang INC ng malaking lingap sa mamayan sa Malawi at Qubera sa Kenya na nasa silangan ng Africa.
Planong magtayo ng eco-farming sa nasabing bansa ang INC para matulungan sa kanilang kabuhayan ang mga mamamayan doon.
Hindi lang sa pamamahagi ng goodwill bags tumutulong ang INC sa ating kapwa-tao kundi maging sa pagkakaloob ng pabahay at kabuhayan sa pamamagitan ng eco-farming.
Naniniwala ang INC na isa ito sa mga paraan para malabanan ang matinding kahirapan sa bansa at maging sa buong mundo.
Ulat ni Eden Santos