24 kolehiyo at unibersidad, inaprubahan ng SC para magsilbing local testing centers sa bar exams
Kabuuang 24 na unibersidad at kolehiyo ang pinagtibay ng Korte Suprema na magsilbing local testing centers para sa bar examinations sa Nobyembre.
Lima sa mga ito ay sa Metro Manila, apat sa Central Visayas, tig-dalawa sa Cagayan Valley, Western Visayas at Northern Mindanao, at tig-isa sa CAR, Ilocos Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao Region, at SOCCSKSARGEN.
Sa NCR, kabilang sa magiging local testing sites ay ang Ateneo De Manila University, Far Eastern University, UST, University of Makati, at Manila Adventist College.
Ayon sa Korte Suprema, inaprubahan ang mga educational institution matapos ang isinagawang assessment, ocular inspection at negosasyon sa mga ito.
Lumagda na rin ang SC sa magkakahiwalay na memoranda of agreement sa mga nasabing institusyon.
Tiniyak naman ng lahat ng partido na mahigpit na ipatutupad ang mga health at safety protocols at igagalang ang community quarantine classifications sa bawat lugar.
Bukod sa 24, sinabi ng SC na may apat pang ikinukonsidera na maging local testing centers kung saan tatlo sa mga ito ay sa NCR at ang isa ay sa Central Luzon.
Ang bawat bar applicant ay pipili ng kanilang local testing sites sa pamamagitan ng online application sa Bar PLUS (Personal Login Unified System).
Pero sila ay makapipili lamang sa oras na aprubahan ng SC ang kanilang aplikasyon.
Ang venue choices ng mga aplikante na mula sa mga remote areas sa bansa ang ipaprayoridad na iproseso ng SC.
Pinayuhan naman ni Bar Chairperson at SC Justice Marvic Leonen ang mga aplikante na piliin ang testing centers na pinakamalapit sa kanilang tirahan.
Isasagawa sa iba’t ibang local testing centers ang bar exams matapos na pagtibayin ng SC ang regionalization ng pagsusulit at mabawasan ang gastusin sa biyahe at accomodation, at makatugon sa health protocols bunsod ng nagpapatuloy na pandemya.
Moira Encina