24 na NCR sites lalahok sa Feb.4-5 vaccination ng mga batang edad 5-11
Itinakda ng gobyerno ng Pilipinas ang Pebrero 4 at 5, bilang araw ng pagbabakuna para sa mga batang edad 5-11 sa Metro Manila.
Sa gagawing vaccination rollout para sa 5-11 age group, hindi bababa sa 24 na hospital at non-hospital based facilities ang lalahok. Inaasahan namang darating sa bansa ang specially-formulated Pfizer vaccines para sa mga batang 5-11, sa Pebrero 2.
Ayon kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. . . “Tuloy na tuloy na po ang ating pagbabakuna ng 5-11 dahil parating na ang ating mga bakuna na may special formulation sa February 2. Ang gagawin po natin, magde-designate tayo ng hospital at non-hospital based sa each city sa Metro Manila kaya magkakaroon tayo ng more or less 24 vaccination sites.”
Sinabi ni Galvez na siya ring puno ng National Task Force Against Covid-19 o NTF, na noong una ay nais ng Phil. Medical Authority o PMA na weekends gawin ang pagbabakuna sa mga bata para hindi nila kailanganing mag-absent sa trabaho para samahan ang kanilang mga anak sa vaccination sites.
Wika ni Galvez . . . “Gusto nga po ng PMA na mailagay itong parang vaccination days during weekend kasi nakikita nilang yung mga nanay at tatay ay nagta-trabaho (tuwing weekdays). More or less February 4 or 5 ang ating vaccination (days) para sa 5-11 years old.”
Ang Pebrero 4 ay Biyernes, habang ang a-5 naman ay Sabado.
Sinabi pa ni Galvez, na bagama’t ang pagbabakuna sa 5-11 year olds ay unang gagawin sa Metro Manila, bukas ang NTF na tumanggap ng requests mula sa iba pang mga rehiyon para tuloy-tuloy na maisagawa ang sarili nilang implementasyon ng vaccine rollout.
Aniya . . . “There would be a phasing of the vaccination since this is a very sensitive pilot implementation. Considering na first time nating makatanggap ng children formulation, ay talagang titingnan nating safe at effective talaga yung pagbabakuna.”