245 insidente ng vote buying, naitala
Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG), na hindi bababa sa 245 vote buying incidents ang naiulat sa 2022 national at local election season.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, 41 mga suspek ang nakilala na para sa vote buying sa buong panahon ng campaign season mula Jan. 1 hanggang May 9.
Nakakalap ang mga awtoridad ng mga ebidensiya para sa 25 kaso, habang 20 kaso naman ang iniimbestigahan, apat ang ini-refer sa prosecution office at isa ang inihain na sa korte.
Sinabi ni Año, na patuloy silang naghahanap ng ebidensya sa iba pang insidente ng pagbili ng boto. Sa ngayon, naaresto na nila ang 28 katao at patuloy na hinahanap ang 13 pa.
Iniulat din ng opisyal, na wala silang namonitor na sinumang pulitiko na nagbayad para sa permits to campaign sa mga lugar na hawak ng mga rebeldeng komunista.
Lumitaw sa datos ng DILG, na may 27 election-related violent incidents sa panahon ng eleksiyon noong May 9, na kinabibilangan ng hindi bababa sa 11 shooting incidents sa mga lugar sa Albay, Negros Oriental, Cotabato City, Maguindanao, Lanao del Sur, Basilan at Zamboanga del Norte.
May mga disturbances din at mga pambobomba sa Maguindanao, Camarines Sur, Lanao del Sur at Tawi-Tawi.
Dagdag pa ni Año . . . “Dalawampu’t pitong insidente na nagresulta sa pagkamatay ng pito katao at 33 nasugatan, ngunit sa aming validation, anim lang ang hinihinalang may kinalaman sa eleksyon sa araw ng halalan, Mayo 9.“
Binanggit pa niya na walang napaulat na failure of election sa alinmang presinto sa bansa.
Sa kabila nito, sinabi niya na ang bilang ng mga kaso ng karahasan na nauugnay sa halalan ay bumaba ng sampung beses sa pambansa at lokal na halalan sa 2022, kumpara sa nakaraang dalawang presidential polls.
Aniya, mayroon lamang 16 na validated election-related incidents (ERIs) para sa election season, kumpara sa 166 noong 2010 at 133 mga kaso noong 2016.
May ERIs na na-validate sa Regions I, III, IX, X at sa Cordillera Administrative Region nang magsimula ang election period noong Jan. 9 hanggang bago ang May 9 elections.
Nanawagan naman si Año sa susunod na administrasyon, na ipagpatuloy ang mga programa ng DILG na inilunsad ni Pangulong Duterte, laluna ang kampanya laban sa ilegal na droga at kriminalidad, maging ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict.