$25 bilyong plano upang harapin ang krisis sa birthrate, inihayag ng Japan PM
Inihayag ng prime minister ng Japan, ang isang $25 bilyon na plano upang palawakin ang suporta para sa mga kabataan at pamilya sa hangarin na makatulong na itaas ang bumabagsak na birthrate ng bansa.
Kabilang dito ang mas malaking direktang subsidiya para sa mga may mga anak at mas maraming tulong pinansyal para sa edukasyon at prenatal care, kasama ang pagsusulong sa flexible work styles at paternity leave.
Sinabi ni Japanese prime minister Fumio Kishida sa mga ministro, eksperto at business leaders na nagtipon upang pag-usapan ang isyu, “I was proposing ‘policies to tackle the falling birthrate on an unprecedented scale’ as well as steps to ‘increase income for the young, and the child-rearing generation.’ We will move forward with these measures to fight the falling birthrate without asking the public to bear a further burden.”
Bagama’t maraming mauunlad na bansa ang nahihirapan sa mababang birthrate, ang problema ay partikular na malala sa Japan.
Ito ang pangalawa sa may pinakamatandang populasyon sa mundo pagkatapos ng Monaco, at ang medyo mahigpit nitong mga panuntunan sa imigrasyon ay nangangahulugan na nahaharap ito sa lumalaking kakulangan ng mga manggagawa.
Ang bansang may 125 milyong populasyon, ay nagtala ng mas kaunti sa 800,000 kapanganakan noong nakaraang taon, ang pinakamababa mula noong nagsimula ang mga talaan, habang ang halaga ng pangangalaga sa matatanda ay tumaas.
Sa pulong nitong Huwebes, sinabi ni Kishida na gusto niyang magbadyet ng humigit-kumulang 3.5 trilyon yen ($25 bilyon) sa susunod na tatlong taon para sa mga patakaran.
Gayunman, ang balakin ay umani ng kritisismo dahil sa kabiguan nitong tukuyin ang mga mapagkukunan ng pondo, maliban sa mga pagbabawas sa paggasta at pagpapabuti ng ekonomiya.