25 contractor nilagay sa black list ng DPWH
Aabot sa 25 Contractor ang inilagay sa black list ng Department of Public Works and Highways.
Ayon kay DPWH Secretary Mark Villar, sana ay magsilbi itong babala sa iba pang contractor ng kagawaran na seryoso sila sa anti-corruption drive ng pamahalaan at hindi nila papayagan ang mga tiwali na ang personal na interes ang inaatupag.
Ang mga blacklisted contractor ay hindi na maaaring makasali sa anumang government projects sa loob ng 1 taon.
Noong Enero ng taong ito naglabas na rin ng blacklisting order si Villar laban sa St. Gerrard Construction General Contractor & Development Corporation na may P8.861 Billion na halaga ng kontrata sa ibat ibang proyekto at sinuspinde dahil sa delay sa implementasyon ng isang building project sa Indang, Cavite.
Ayon pa sa DPWH, nabigyan rin ng suspension order noong 2018 sa loob ng 1 taon ang Syndite Construction Corporation na may P 5.588 Billion halaga ng kontrata dahil sa negative slippage ng mahigit 15% sa construction ng flood control system sa Cagayan.
Tiniyak ng DPWH na kahit libo ang public works projects ay may sistemang ipinatutupad sa Kagawaran para matiyak na namonitor ng mabuti ang mga kontrata na kanilang pinapasok.
May monitoring system rin ang DPWH kung saan gumagamit ng mga drone at geographic-based status reports para maiwasan rin ang ghost projects.
Isang tech-based initiative rin na tinawag na DPWH Infratrack application ang binuo para sa virtual monitoring ng civil works projects ng mga contractor para naman masukat ang kanilang accomplishments.
Madz Moratillo