25 Kongresista, inendorso ang panibagong impeachment complaint laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno
Dalawampu’t limang kongresista ang nag-endorso ng panibagong impeachment complaint na isinampa laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ang ikalawang impeachment complaint ay inihain ni Atty. Larry Gadon bilang isang taxpayer.
Apat na dahilan ang inilahad ni Gadon para mapatalsik ang punong mahistrado ng Korte Suprema: ang culpable violation of the constitution, corruption, other high crimes at betrayal of public trust.
Batay sa 52-pahinang reklamo ni Gadon, sinabi nito na nilabag ni Sereno ang saligang batas dahil sa ginawa nitong pamemeke ng ilang resolusyon at Temporary Restraining Order ng Korte Suprema, pagsisinungaling sa kanyang Statement of Assets Liability and Networth, pagmanipula sa shortlist ng Judicial and Bar Council para sa bakanteng posisyon sa Supreme Court.
Inakusahan din ni Gadon ng katiwalian si Sereno matapos itong bumili ng limang milyong pisong halaga ng sasakyan gamit ang pondo ng korte, pag-check in sa mga mamahaling hotel sa kanyang mga byahe, pagbili ng business class na ticket sa eroplano at pagsasama ng maraming lawyer sa kanyang mga foreign trips.
Ayon kay Gadon, nakagawa rin ng ibang high crimes ang punong mahistrado matapos nitong atasan ang Muntinlupa Regional Trial Court na huwag magpalabas ng warrant of arrest laban kay Senadora Leila de Lima.
Kinausap din ni Sereno ang presiding justice at iba pang mahistrado ng Court of Appeals upang huwag sundin ang utos ng House of Representatives.