27 BI officials at personnel na dawit sa Pastillas scam , pinakakasuhan ng Senado
Inirekomenda na ng Senado ang pagsasampa ng kasong kriminal sa 27 dati at kasalukuyang opisyal at tauhan ng Bureau of Immigration na dawit sa pastillas scam sa Ninoy Aquino International Airport.
Labing isang Senador ang lumagda sa report ng Committee on Women , Children and family relations na pinamumunuan ni Senador Risa Hontiveros na nag-imbestiga sa isyu.
Ilan sa mga inirekomendang kasuhan sina dating BI operations head Marc Red Marinas at ama nito na si Maynardo Marinas.
Nakasaad sa report na dahil sa katiwalian at pagtanggap ng suhol ng naturang mga airport personnel nalalagay naman sa panganib ang mga kababayang pilipino at malaking buwis ang nawawala sa kaban ng bayan.
Sa naunang mga pagdinig ng Senado , tumatanggap ng suhol ang ilang immigration officials at mga personnel kapalit ng pagpasok sa bansa ng mga dayuhan at mga chinese nationals nang hindi na dumadaan sa screening at iba pang standard protocol sa mga dayuhan.
Ang mga dayuhang ito ang iniuugnay naman sa mga operasyon ng pogo industry kung saan nagaganap rin umano ang sexual exploitation .
Tinutukoy sa report ng immigration na halos apat na milyon ang nakapasok na chinese nationals sa bansa mula lamang 2017 hanggang 2020 para magtrabaho sa pogo at ilang construction company dahilan rin kaya maraming pinoy ang nawalan ng trabaho.
Nakakalap na umano ng sapat na katibayan ang Senado mula sa mga whistleblower na sina Allison Chiong at Dale Ignacio na pawang taga immigration para idiin ang dawit na airport personnel.
Meanne Corvera