28 days paid quarantine leave para sa public at private employees, isinulong sa Senado
Nais ni Senador Lito Lapid na mabigyan ng 28 araw na paid quarantine leave kada taon ang mga manggagawa sa pribado at pampublikong sektor.
Sa Senate Bill no. 2404 na inihain ni Lapid, dapat ang quarantine leave ay katumbas ng arawang sahod ng mga manggagawa.
Paliwanag ng mambabatas kahit delikado ang sitwasyon dahil sa Covid-19 Pandemic, maraming manggagawa ang sumasabak sa trabaho.
Pero ang masakit aniya, sila ang gumagastos sa pagbili ng gamot at pagpapa-ospital kapag tinamaan ng sakit.
Ito aniya ang dahilan kaya marami sa mga empleyadong tinatamaan ng Covid-19, nauubos ang suweldo at ipon habang naka-quarantine.
Sa panukala, sasagutin ng mga employer ang bayad sa quarantine leave pero maaaring i-reimburse sa Social Security System (SSS) o Government Service Insurance System (GSIS).
Sakaling maging batas ang mga hindi susunod na employer ay maaaring pagmultahin ng 30,000 hanggang 200,000 pesos.
Meanne Corvera