29 indibidwal pinangalanan ng ATC bilang mga terorista
Inilabas na ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang listahan ng mga indibidwal na ibinibilang nito na mga terorista.
Sa magkahiwalay na resolusyon na inilathala sa ilang pahayagan, pinangalanan ng ATC ang 19 na Central Committee Members ng CPP-NPA at 10 local terrorist group individuals na itinuturing na mga terorista.
Kabilang sa tinukoy na mga terorista ng ATC ay si CPP founder Jose Maria Sison at misis nitong si Julieta De Lima Sison, at ang mag-asawang sina Benito Enriquez Tiamzon at Wilma Austria Tiamzon.
Ayon sa ATC, ang designation ng nasabing mga indibidwal bilang terorista ay alinsunod sa Section 25, paragraph 3 ng Anti- Terrorism Act (ATA).
Sinabi ng ATC na ang 10 indibidwal mula sa local terrorist groups ay nakitaan ng probable cause na lumabag sa Sections 6,7, at 10 ng ATA dahil sa pagpaplano, pakikipagsabwatan, at pagri-recruit para Abu Sayyaf Group na isang teroristang organisasyon.
Batay din sa verified at validated information ng ATC, nakitaan nito ng probable cause para i-designate na terorista ang 19 na Central Committee Members ng CPP- NPA dahil sa paglabag sa Sections 6,7,8,9, at 10 ng ATA o planning, preparing, facilitating, conspiring to, at inciting terrorism at recruitment sa terror group.
Paliwanag pa ng ATC, ang Central Committee ang pinakamataas na decision- and policy- making body ng CPP at ang nangunguna at nagaatas sa NPA
Ang assets ng mga nasa listahan ay subject sa pag-freeze ng Anti- Money Laundering Council alinsunod sa ATA at Terrorism Financing Prevention and Suppression Act.
Maaari naman na maghain ang mga designated invididuals ng verified request sa ATC para sila ay matanggal sa listahan sa loob ng 15 araw mula nang ito ay mailathala.
Iginiit ng ATC na ang designation sa mga naturang indibidwal ay kritikal sa paglaban sa terorismo.
Epektibo anila ito sa para mabawasan at mapigilan ang pagpopondo, suporta, recruitment, at pag-suplay ng mga sandata sa mga terorista.
Moira Encina