29 Pinoy at mga dayuhang sangkot sa scam hub operations sa Kawit, Cavite, arestado ng NBI
Arestado ng mga tauhan ng NBI Cybercrime Division ang 29 na Pilipino at mga dayuhan na nagtatrabaho sa scam hub na nasa apat na residential houses sa isang subdivision sa Kawit, Cavite.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, binubuo ng tatlong Chinese, dalawang Malaysian at 24 na Pinoy ang mga suspek na sangkot sa love scam, investment scam, crypto scam at iba’t iba pang iligal na aktibidad ang mga suspek.
Ang mga banyaga aniya ang mga nangangasiwa sa operasyon habang ang mga Pinoy ay nagtatrabaho sa mga ito.
Ayon kay Santiago, “Nakita namin dito sa Centennial Homes sa Kawit, Cavite itong modus operandi nito after careful surveillance. We applied for search warrant and we were able to catch them.”
Parehong mga Pinoy at dayuhan ang target na biktimahin ng mga suspek.
Sinabi naman ni NBI Cybercrime Division Chief Jeremy Lotoc, na konektado ito sa illegal POGOs na lumipat lang ng operasyon sa residential units lalo na’t mas mahirap na pasukin ng mga otoridad ang mga pribadong subdivision.
Ayon pa kay Lotoc, mas dumami ang mga fly by night na scam hubs matapos na ipag-utos ng pangulo ang pagpapasara sa POGOs.
Aniya, “Nagspread ang group. Instead ng office settings, nagshift ho sila sa residential units, yung di mapapansin ng law enforcement agency. So, from there yung kanilang usual scamming activity, dun na po nila ginagawa.”
Nadiskubre ng NBI sa kanilang pagsalakay sa residential unit ang computers, cellphones, preregistered sim cards, text blast machines at scam scripts na ginagamit ng mga suspek sa scamming activities.
Tumambad din sa NBI ang tinatawag na scam showroom na naglalaman ng high-end products na pang-engganyo sa mga biktima at vault na may cash at mga dokumento.
Sinabi pa ni Lotoc, “Meron ho kaming nakita doon na tinatawag naming scam showroom ung scam showroom dito po nakalagay products mga luxury items to create an illusion na ung kausap ng victim ay talagang mapera nanh sa gayon magengage sa inooffer na investment.”
Isinailalim na sa inquest proceedings sa piskalya ang mga suspek.
Kabilang sa mga reklamong inihain sa mga suspek ay mga paglabag sa Anti Cybercrime law at social engineering schemes and economic sabotage.
Moira Encina-Cruz