3 bayan at 1 lungsod sa Ilocos Sur, nasa ilalim ng MECQ hanggang Nov. 5, 2021

Matapos makapagtala ng nakaaalarmang kaso ng Covid-19, isinailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang 3 munisipalidad at isang ciudad sa Ilocos Sur.

Batay sa Executive Order 112 na pirmado ni Governor Ryan Luis Singson, isinailalim sa ikalawang mas mahigpit na quarantine ang Candon city at mga bayan ng Narvacan, San Emilio at Galimuyod.

Nagsimula ang implementasyon nito noong October 22, Biyernes at magtatapos ng hanggang November 5, 2021.

Nagtalaga na ng mga checkpoint sa mga national highway upang malimitahan ang pagpasok sa mga lugar ng non-essential travel.

Tuloy pa rin naman ang full-operation ng mga tanggapan ng LGU, mga ahensya at GOCCs pero sa ilalim ng skeleton workforce at alternative work arrangements.

Ang iba pang establisimyento ay hinikayat na iksian na ang kanilang operational hours at limitahan ang pagpasok ng mga empleyado.

Suspendido ang face to face classes, at ang curfew ay ipinatutupad mula 10:00 ng gabi hanggang 4:00 ng umaga.

Limitado rin ng hanggang 50% ang kapasidad ng mga public transportation.

Samantala, ang nalalabi pang bayan at lungsod sa lalawigan ay mananatili sa General Community Quarantine (GCQ) hanggang October 31, 2021.



Please follow and like us: