3-day Bar Exams, matagumpay – Supreme Court
Itinuturing ng Korte Suprema na matagumpay ang 2023 Bar Examinations.
Nagtapos noong Linggo, September 24 ang tatlong araw na pagsusulit.
Mahigit 10,380 examinees ang nakatapos ng eksaminasyon na idinaos sa 14 Local Testing Centers sa iba’t -ibang bahagi ng bansa.
Bumisita naman si Supreme Court Justice at 2023 Bar Exams Chairperson Ramon Paul Hernando sa mga local testing sites na nasa National Capital Region (NCR) sa huling araw ng Bar Exams.
Sa labas ng University of Sto. Tomas (UST) sa Maynila, nagtipon ang mga kamag-anak, kaibigan at mga mahal sa buhay para salubungin ang Bar examinees sa pagtatapos ng licensure examination.
Pormal naman na inilipat ni Justice Hernando kay SC Justice Mario Lopez ang Chairship sa 2024 Bar Examinations.
Una nang itinanggi ni Justice Hernando ang mga post mula sa dalawang Facebook group na nagsasabing ang 2023 Bar Exams ay susuriin at itatama gamit ang Artificial Intelligence (AI).
Aniya, hindi totoo, walang basehan at iresponsable ang nasabing posts na layon na sirain ang integridad ng Bar Exams.
Nilinaw ng mahistrado na apat na examiners per subject ang magtsi-check sa pagsusulit.
Samantala, natukoy na ng SC ang pagkakakilanlan ng mga administrator ng nasabing FB accounts.
Moira Encina