3-day war games sa palibot ng Taiwan, matagumpay, ayon sa China
Tinapos na ng China ang tatlong-araw na military drill nito sa paligid ng Taiwan.
Sa pagtatapos ng war games, sinabi ng China na matagumpay nitong nakumpleto ang pagsasanay para i-simulate ang targeted strikes at pag-blockade sa Taiwan.
Ang tatlong-araw na war games ay tugon ng Tsina sa ginawang pagbisita at pakikipag-pulong ni Taiwan President Tsai Ing-wen kay U.S. House Speaker Kevin McCarthy noong nakaraang linggo.
Tinawag na “Joint Sword” drills, sinabi ng People’s Liberation Army o PLA’s Eastern Command na ang war games ay malawakang pagsubok sa integrated joint combat ability ng multiple military branches sa panahon ng aktuwal na combat condition.
Sinabi pa ng PLA sa isang statement na handa ang tropa na makipaglaban anumang oras at determinadong buwagin ang anumang uri ng ‘Taiwan independence’ separatism at tangkang foreign interference.
Nakilahok sa isinagawang military drills ng China ang dose-dosenang eroplano nito at mga barko, kabilang ang isa sa dalawang aircraft carriers ng Beijing na Shandong.
AFP