3 LRT stations na isinara noong nakalipas na taon, magagamit na muli
Simula ngayong araw, magagamit na muli ang tatlong istasyon ng LRT Line 2 na isinara noong Oktubre 2019 dahil sa sunog.
Ito ay ang mga istasyon sa Santolan, Anonas at Katipunan.
Ayon sa LRTA management, nakumpuni na ang mga napinsalang bahagi ng riles at rectifiers dahil sa nangyaring sunog.
Ngunit mayroon pa ring limitasyon at mga restriction.
Atty. Hernando Cabrera, LRTA spokesperson:
“Eventually, nagkaroon tayo mga technical issues dun sa Procurement. Nadelay ito ng konti hanggang sa abutan na tayo ng Pandemic. Hindi na tayo pwedeng maghintay ng matagal kaya gumawa tayo ng solusyon na magkaroon tayo ng short-term solution kung saan we gave the Contractor 3 months para makapag-provide ng tinatawag natin na temporary power supply system just enough for us to run the train”.
Paalala naman ng pamunuan ng LRT sa mga pasahero, maagang magtungo o dagdagan ang oras nila sa pagbiyahe dahil 30 kilometro kada oras muna ang magiging takbo ng tren at magiging 35 minuto ang biyahe ng tren mula Santolan hanggang Recto station mula sa dating 28 minuto lamang.
Mananatili rin ang pagpapatupad nila ng Safety at Health protocol gaya ng pagsusuot ng face mask at face shield, bawal din ang pakikipag-usap at pagsagot sa cellphone at kailangang sumunod sa Physical distancing.
Earlo Bringas