3 milyong Senior citizen at may comorbidities na hindi pa bakunado kontra COVID-19, pinag-iingat ng Malakanyang
Sinabihan ng Malakanyang ang 3 milyong mga senior citizens at mga may comorbidities na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na pairalin ang ibayong pag-iingat para hindi tamaan ng omicron variant ng corona virus.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Karlo Alexi Nograles na nananatiling priority ng gobyerno na mabakunahan laban sa COVID- 19 ang mga nasa A2 at A3 category o mga senior citizens at mayroong comorbidities.
Ayon kay Nograles,bagamat patuloy na bumababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa nasa balag ng alanganin ang kalagayang pangkalusugan ng mga senior citizens at mayroong comorbidities dahil kapag tinamaan ang mga ito ng Omicron variant maaari nilang ikamatay batay sa findings ng mga health experts.
Dahil dito muling umapela ang Malakanyang sa mga senior citizens at mga may comorbidities na magpabakuna na laban sa COVID -19 o kaya ay magpaturok na ng booster shot lalo na ngayong binabalak na ng pamahalaan na ilagay na sa new normal o alert level 1 ilang lugar sa bansa.
Vic Somintac