3 pang suspek sa Degamo killing, naghain na rin ng recantation sa DOJ
Aabot na sa apat na suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo ang naghain ng Affidavit of Recantation sa Department of Justice (DOJ).
Ito’y matapos na bawiin na rin ng tatlo pang suspek ang mga nauna nilang salaysay ukol sa nalalaman sa krimen.
Ang mga ito ay sina Rommel Pattaguan, Rogelio Antipolo Jr., at Dhaniel Lora.
Ayon sa abogado ng tatlo na si Atty. Danny Villanueva, isinumite nila online sa DOJ ang Affidavit of Recantation ng tatlo.
Una nang naghain ng kontra-salaysay at recantation ang isa pang suspek na si Jhudiel Rivero na kliyente rin ni Villanueva noong Lunes.
Sinabi ng abogado na binawi ng kaniyang mga kliyente ang mga naunang testimonya dahil ang mga ito ay pinilit at tinakot lamang.
Aniya naku-konsensya ang apat na madadawit sa kaso si Congressman Arnolfo Teves Jr. na wala naman umanong kinalaman sa krimen.
Samantala, naghain na si Villanueva ng mosyon sa korte para mapasailalim sa medical check up ang apat para makumpirma kung sila ay tinorture.
May impormasyon naman ang abogado na ililipat sa Kampo Crame si Rivero.
Pero dapat aniya ay sa Manila City Jail ito ipiit batay na rin sa commitment order ng hukuman.
Moira Encina