300 menor de edad sa Marikina city, nabakunahan na kontra Covid-19
Umarangkada na ang unang araw ng pagbabakuna ng Marikina city sa mga menor de edad o mula 12 hanggang 17 anyos.
Isinagawa ang pagbabakuna sa Marikina Sports complex kung saan 326 mga kabataan ang target na mabakunahan gamit ang Pfizer vaccine.
Prayoridad nila ang mga batang may comorbidity o may karamdaman.
Kailangan lang nilang ipakita ang School ID at certification ng mga doktor na sila ay may karamdaman.
Pero mahigpit na ipinagbabawal ang walk-in at kailangan nakapagpaparehistro muna sa kanilang online portal sa marikina.gov.ph.
Ang proseso bago mabakunahan ay titingnan ang pangalan ng bata kung nakarehistro at saka tutuloy na sa sa Step 2 kung saan dito kukunan ng vital signs gaya ng temperature at blood pressure.
Kapag normal na ang vitals signs ay tuturukan na sila ng bakuna.
Bago magsimula ang pagtuturok ng bakuna kanina, nagkaroon muna ng orientation classroom-like set up kung saan ipinaliwanag ng mga guro kung ano ang bakuna, paano ito makatutulong sa mga kabataan at ano ang maaaring maranasang side effects gaya ng muscle pain, lagnat at allergy at kung ano ang mga hakbang na gagawin sakaling maranasan ang mga side effect.
Ang mga magulang o guardian na kasama ng mga bata na wala pang bakuna, maaari na ring isabay na bakunahan ngayong araw.
Positibo naman ang pagtanggap ng mga kabataan sa bakuna at ang ilang kabataan pa umano ang kumumbinse sa kanilang mga magulang na sila ay mabakunahan at walang nangyaring pilitan.
Meanne Corvera