300 vials ng single dose o first batch ng Sinovac vaccine, dumating na sa Kalinga
Dumating na sa Kalinga ang first batch ng Sinovac COVID-19 vaccine, kagabi, Marso 5.
Sa pangunguna ni Gov. Ferdinand Tubban at ng iba pang mga nanunungkulan sa health offices, sinalubong nila ang pagdating ng bakuna na lulan ng sasakyan ng Dept. Of Health (DOH).
Pinangunahan ito ni Dr. Janice Bugtong, chief ng Local Health System Division.
Ayon kay Gov. Tubban, ang pagdating ng mga bakuna sa Kalinga ay simula ng proteksyon, at upang lalong makatulong sa pag-iwas at pagkaawi dahil sa COVID-19.
Nilinaw din ng gobernador na hindi pinipilit ang sinuman na magpabakuna, subalit mahalagang maunawaan ng publiko na ang nabanggit na bakuna, ay para sa proteksyon ng kalusugan, laluna ng mga pasyente.
Sinabi ni Dr. Bugtong, na ang second dose ng Sinovac vaccine ay darating pagkatapos ng 28 araw.
Ang unang batch ng health workers ang babakunahan ng Sinovac, na sisimulan bukas, Linggo, Marso 7, 2021.
Ulat ni Xian Renzo Alejandro